Thursday, September 10, 2009

Piraso ng Isang Maghapon


Agosto 29, 2009 Alas kwatro ng hapon. Dahil hindi pa tapos ang eksklusibong pag-uusap ng isang grupo, agad akong tumalilis pagkatapos magbilin na i-text nalang ako kapag tapos na sila.
Ilang hakbang lang nakalabas na ako sa makipot na eskinita. Palingon-lingon ako, malikot ang aking mga mata habang binabagtas ang pangunahing kalsada ng barangay Wawa. Mainit ang araw, mainit ang sementadong daan at higit sa lahat, pakiramdam ko maiinit ang mata ng mga istambay na nadadaanan ko.

Sa wakas nakakita din ako ng internet shop pagkatapos ng tatlong minutong paglalakad. Bad trip! Walang bakante. Tuloy ang lakad sa mainit na daan. Bago ko marating ang dulo ng binabagtas kong kalye, nakita ko sa isang tarpaulin ang mukha ni Gary Granada. Mayroon siyang pagtatanghal sa Setyembre sa isang bayan sa Rizal ’di ko na maalala kung saan.

Narating ko na ang dulo ng kalye. Pagliko ko sa kanan ilang hakbang lang bigla akong nakakita internet shop. Sa pagkabigla, nawala ring bigla ang gana kong mag kompyuter. Nahalina ako marahil ng dambuhalang simbahang nakukumutan ng lumot.

San Ildefonso de Toledo ang pangalan ng parokya. sakop ng dayosis ng Antipolo. Ayon sa Lapida sa labas ng gusali, kumpleto itong nakumpuni noong 1783. Siempre sa ilalim ng pamahalaang kastila na pinamumunuan ng mga prayle.

Pumasok ako sa loob kahit hindi ako sigurado kung mananalangin ako o hindi. Ang tagal ko ring naging Atheist kaya hanggang ngayon nahihiya parin akong magdasal. O siguro hindi lang ako handa na marinig ang sarili kong kinakausap ang diyos. Maari ring nagsasawa na akong iparating ang mga reklamo ko sa buhay, galit ko sa mundo at pagkasuklam sa nagkalat na mga pulitikong walanghiya, sinungaling at tarantado sa bayan ko. Pwede ring nasuya na akong idulog ang mga sama ng loob ko at pagaalinlangan sa maraming bagay, pati sa aking pananampalataya.

Malamig sa loob ng simbahan hindi tulad sa labas parang nasa impyerno ang pakiramdam ko sa init kahit hindi pa ako nakakarating sa impyerno. Siguro dulot ng makakapal na tipak na adobeng ginawang haligi at ding-ding kaya hindi sumusuot ang init at sa mahigit dalawampung talampakang taas ng kisame. Pwede ring mas magaan at maaliwalas talaga ang pakiramdam sa mga lugar na pinupuntahan ng mga taong gusting mapalapit sa diyos? Naisip ko tuloy, ano kaya ang pakiramdam kapag nakapasok ako ng Malacañang? Sa Dami ng mga demonyo at demonyito sa loob nun at naglipanang mga kampon ni satanas na naglalabas-masok doon, malamang unang hakbang palang pagpasok ko ng gate tuyo na lahat ang pawis ko.

Parang bahay ng kalapati, may kanya-kanyang sisidlan sa napakalaking altar na kulay ginto ang mahigit dalawampung Santo at Santa na hindi ko kayang pangalanan maliban kay Sto. Niño, Jesu-Kristo, birhen Maria at ang Pinoy na Santong si Lorenzo Ruiz. Kumpleto rin ang 13 imahe ng istasyon ng krus sa magkabilang dingding sa loob ng simbahan.

May ilan-ilan ding pumapasok. Bahagyang lumuluhod, nagkukrus at taimtim na nananalangin. May ilan ding grupo ng mga bata ang pumasok sa loob. Hindi sila maingay parang nahawa sila sa katahimikan ng iba. Sa loob, kahit walang nagsasabi parang obligado kang manahimik. Hindi ko alam kung bakit? Siguro, baka kasi masapawan ng ingay na ihahasik mo ang panalangin ng iba.

Biglang pumasok sa isip ko si GMA at mga tropa nyang kumain ng halagang Php 1.72 M sa New York para sa dalawang hapunan. Nanumbalik ang sama ng loob ko. Gusto kong ipanalangin na malason sila sa susunod nilang hapunan. Kaso pinangunahan ko na ang diyos, alam ko may pasya na syang ipaubaya kay satanas ang lahat pag si GMA ang pag-uusapan.

Hindi parin nababasag ang katahimikan sa loob ng simbahan. Wala akong duda, diyos lang ang makakarinig sa walang boses nilang mga panalangin, pagsusumamo, pasasalamat at pagpupuri. Ang lalim ng ugnayan at tiwala ng mga taong ito sa diyos. Sa diyos lamang nila kayang sabihin ng walang pagdududa ang kanilang mga duda, lihim, pagdiriwang, sumbong, pagkasuklam at pagpapatawad.

Ano kaya ang idinalangin nila? May nakiusap kaya sa diyos na sana gunawin na nya ang mundo para hindi na makapaghasik ng kasamaan ang tao? Ilan kaya ang nagsumbong sa diyos sa paulit-ulit na pagsuway ng mga opisyales ng gobyerno sa utos na Huwag Magnanakaw? May panalangin kaya tungkol sa kapayapaan? Na sana tumama sa lotto kasabay ng pangakong tutulong sa mahihirap kapag natupad ang hiling? Ilan kaya ang dumalangin na magkaroon ng trabaho at makaahon sa kahirapan? Ilan kaya ang nakiusap na bigyan ng isa pang pagkakataon na magbagong buhay? Mayroon kayang naghahayag ng galit sa diyos dahil hindi napagbigyan ang kahilingan?

Siguro sa dami ng santo at santa sa loob ng simbahang ito, tiyak may makakarinig sa iyo.

Madalas kong naririnig na lumalapit lamang ang mga tao sa diyos kapag may problema. Ganun din ba ako? may problema ba ako? Tiyak marami naman akong pwedeng sabihin pero kung handa ba akong sabihin ‘yun ang problema! O kahit naman hindi sabihin alam naman nya ‘yun. Ganun daw ang diyos sabi nung titser ko noong grade 3 at ni Pastor X nung nakaraang aksidenteng napadalo ako sa isang fellowship.

Tahimik parin sa loob kahit na nakadalawang set na ng basket ball sa labas ‘yung mga tambay na nadaan ko papasok ng simbahan.

Tahimik , tahimik , tahimik! Pwede bang isigaw ang katahimikan? Sabi nila may nakakabingi daw na katahimikan. Hindi kaya mabingi ang diyos sa bilyon-biyong tahimik na panalangin?

Tumunog ‘yung Cell Phone ko pinapaalis na ako ng panginoon.

No comments:

Post a Comment